P5.00 for 2? Mahal! e2 n lng, P2.50 ang isa...

mga storyang pampapurga ni Boyet

Tuesday, May 01, 2007

"Oo." -short, short, short story.

"sabihin mo sakin ang totoo," utos niya.

mahirap tumanggi dahil utos yon at hindi tanong. at isa pa, malamig ang boses niya't madilim akong inilulubog sa mainit na sitwasyon na yon.

mahangin. nilalamig ang mga braso't binti ko at hinihipan ng hangin ang buhok ko. pinalibutan kami ng katahimikan. kami ay walang tulong habang nilulunod kami nito. ako, siya at ang 'di matukoy na bagay na namamagitan samin.

mas mataas siya sakin nang isang hakbang sa hagdanan kaya nakayuko siya at ako naman, nakatingala.

ganoon kami kalayo sa isa't isa.

nakatingin siya sakin na para bang sinasaliksik ang kabuuan ko. na para bang nababasa niya ang nasa isip ko. na para bang alam niyang gusto ko pero duwag lang ako para sabihin.

tumitig ako sa kanya. hinamon ko siya. akala ko siya ang unang bibitiw sa pagkakapit ng aming mga mata, pero ako pala.

nawalan ako ng lakas ng loob at tumingin sa ibang direksyon. ramdam ko pa rin ang kanyang tingin kaya yumuko ako para di niya makita ang ekspresyon ko.

pero maya-maya lang ay umupo siya at tumingala kaya nakita pa rin niya ang muka ko.

dali-dali kong iniwas ang tngin ko at tumingin sa kanan ko.

tumayo siya, pinantayan ako. bumaba nang isang hakbang at pumwesto sa kanan ko. tapos hinarap niya ko't tinapat ang mata niya sa mata ko.

balak ko pa sanang iiwas at tumingin sa kaliwa pero pinigil niya ang muka ko. hinawakan niya ang muka ko at dahan-dahang hinarap sa kanya.

hinawakan ko rin ang kamay niya para tanggalin ito sa pagkahawak sa muka ko. mabilis niya naman itong tinanggal pero dahan-dahang ibinaba na hawak ang kamay ko.

hindi pa rin niya tinatanggal ang mga mata niya sakin. buhay pa rin ang katahimikan pero pinatay niya ito gamit ang pangungusap na:

"ikaw yung umutot, no?"

binitawan niya ang kamay ko.

"oo," sagot ko. humalakhak siya at bumaba naman ako sa hagdan habang binubulong ito: "...mahal kita."

≈END≈